Tumaas pa ng 143% ang mga naitalang dengue cases sa bansa habang pumalo na sa 400 ang bilang ng mga pasyenteng namatay dahil sa naturang sakit ngayong taon.

Batay sa inilabas na National Dengue Data ng Department of Health (DOH), nabatid na mula Enero 1 hanggang Agosto 13, 2022, umabot na sa 118,785 dengue cases ang naitala nila sa bansa.

Ang naturang bilang ay mas mataas ng 143% kumpara sa naitalang 48,867 dengue cases lamang noong nakaraang taon.

Karamihan umano ng mga dengue cases ay naitala mula sa Region III na nasa 21,247 (18%); Region VII na naaa 11,390 (10%) at National Capital Region (NCR) na nasa 11,064 (9%).

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Anang DOH, mula Hulyo 17 hanggang Agosto 13 lamang ay nakapagtala sila ng 19,816 dengue cases.

Sa naturang panahon, ang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng kaso ay ang Region III na nasa 3,457 (17%); NCR na may 3,131 (16%) at Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 2,106 (11%).

Nasa anim rin anila mula sa 17 rehiyon ang lumampas na sa epidemic threshold kabilang ang Region II, Region III, CALABARZON, MIMAROPA, CAR, at NCR, sa nakalipas na apat na linggo o mula Hulyo 17 hanggang Agosto 13, 2022.

Ang NCR ay nakitaan pa umano ng sustained increasing trend sa nabanggit ring petsa.

"Nationally, there were 400 deaths reported (Case Fatality Rate=0.3%)," dagdag pa ng DOH.

Nabatid na ang naturang dengue deaths ay naitala noong Enero na may 35 deaths; Pebrero na may 31; Marso na may 37; Abril na may 47; Mayo na may 62; Hunyo na may 74; Hulyo na may 100 ay Agosto na may 14.