Kinumpirma ng regional office ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na may 76 na pribadong paaralan sa Western Visayas ang nagtigil na ng kanilang operasyon ngayong school year.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni DepEd Western Visayas Regional Information Officer (PIO) Hernani Escullar, na sa naturang bilang, 17 na mula sa anim na school division offices ang nag-anunsiyo ng permanent closure.

Ang natitira pa aniyang 59 na pribadong paaralan ay pansamantala lamang na ititigil ang kanilang operasyon para sa School Year 2022-2023.

Ayon kay Escullar,  karamihan sa mga ito ay nagtuturo sa kindergarten at elementary students habang ang iba ay mayroong junior at senior high school students.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Sinabi ni Escullar na ang mababang enrollment turnout at problemang pinansiyal na dulot ng COVID-19 pandemic ang siyang dahilan ng shutdown.

Tinutukoy pa nila kung gaano karami ang mga mag-aaral na apektado ng pagsasara ng mga naturang paaralan.

Tiniyak din niya na pinagkakalooban nila ang mga ito ng kaukulang tulong upang makalipat ng paaralan.

Siniguro rin niya na handa ang mga pampublikong paaralan sa rehiyon na tanggapin ang mga apektadong estudyante.