TABUK CITY, Kalinga – Nasagip ng pulisya sa isang bar ang dalawang menor de edad at naaresto naman ang dalawang suspek noong Agosto 27 sa Brgy. Appas, Tabuk City, Kalinga.

Sinabi ni BGen. Mafelino Bazar, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, ang dalawang suspek na kinilalang sina Maribeth Rizal Tagatag, 35, at Ber Angnganay Wandagan, 25, kapwa residente ng Kalinga.

Ayon sa Tabuk City Police Station, personal na pumunta sa kanila ang ina ng 15-anyos na babaeng biktima para i-report ang insidente sa nawawala nitong anak, na kamakaila'y kumontak sa kanya.

Ayon sa ina, noon pang Hunyo 31 nawawala ang anak at nitong Agosto 27 lamang ay nakatanggap siya ng tawag sa anak at ipinaalam ang tungkol sa kanyang kalagayan at lokasyon.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Ayon sa kanyang anak, ni-recruit umano sila ni Tagatag para magtrabaho sa catering services. Gayunpaman, pagdating nila sa Tabuk City, nagulat sila nang malaman nilang magtatrabaho sila bilang mga bar attendant.

Bukod dito, pinilit umano ni Tagatag ang dalawang babaeng menor de edad na magtrabaho at masangkot sa mga sekswal na aktibidad habang ang isa pang suspek na si Wandagan ay pinilit silang gumamit ng ilegal na droga na nag-udyok sa 15-anyos na babae na ipaalam ito sa kanyang ina.

Agad namang rumesponde ang Tabuk CPS na nagresulta sa pagka-aresto sa mga suspek at pagsagip sa mga menor de edad.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) ang mga suspek.