Inakalang tatalon mula sa bundok ang isang 15 anyos na dalagita mula sa Purok Sampaguita Bgy. Poblacion, San Vicente Palawan nitong Linggo, Agosto 28, kaya agad itong iniligtas ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat ng 103.1 Brigada News FM - Palawan, nagtulungan ang mga pulis, miyembro ng MDRRMO, at BFP ng San Vicente, Palawan upang rumesponde sa tangka umanong pagkitil sa buhay ng menor de edad, nasa ituktok ng isang bundok. Agad naman nilang na-rescue ang dalagitang nagngangalang "Lesley".
Sa isinagawa umanong panayam ng Brigada News sa puno ng MSWDO-San Vicente na si Jenelyn Laro, nagtampo umano ang dalagita sa kaniyang nobyo kaya umakyat ito sa bundok; subalit wala umano itong balak na tumalon o kitlin ang sariling buhay.
Nagtampo umano ang dalagita nang hindi siya maharap ng jowa na nakatira sa Sitio Panindigan sa kaparehong barangay dahil abala ito sa paglalaba.
Nagpadala umano ito ng mensahe sa jowa na hindi ito umuwi at dumiretso sa itaas ng bundok.
Maayos naman ang mag-jowa matapos ang pagresponde ng mga awtoridad.