Itinaon pa ng Gilas Pilipinas sa National Heroes Day ang kanilang pagkapanalo laban sa Saudi Arabia, 84-46, sa fourth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers sa Mall of Asia Arena nitong Lunes ng gabi.
Nagbunyi ang 19,829 fans na personal na nanood sa Gilas na pinangunahan nina Filipino-American NBA star Jordan Clarkson at 7'2" center Kai Sotto.
Kumana si Clarkson nng 23 puntos, tampok ang malalayong tres at matinding dunk, dagdag pa ang anim na assists at limang rebounds.
Katulad ng inaasahan, napakinabangan na naman si Sotto sa nagawang 16 puntos, bukod pa ang 13 rebounds habang si Dwight Ramos ay nakaipon ng siyam na puntos at anim na rebounds, kabilang ang harap-harapang dunk laban sa center ng Saudi Arabia na si Mohammed Almarwani.
Unang nakuha ng Gilas ang abante, 21-18, sa second quarter matapos ang alley-oop ni Kai Sotto mula sa pasa ni Clarkson.
Sa third quarter, bumomba nang husto sina Clarkson, Sotto at Ramos sa pinakawalang 24 puntos laban sa walo ng mga Arabo hanggang sa lumaki pa ang abante ng Philippine team na nagresulta ng kanilang pagkapanalo.
Reynald Magallon