Masusukat na ang husay ni Filipino-American small forward Roosevelt Adams sa pakikipagtunggali ng kanyang koponang Gilas Pilipinas sa Saudi Arabia sa FIBA World Cup Asian qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay nitong Lunes ng gabi.

"Roosevelt is also there to gain experience, to see how he can play with the team," sabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio sa panayam sa telebisyon.

Sinabi ng SBP na kinuha nila si Adams upang maglaro sa Gilas kapalit ni University of the Philippines (UP) player Carl Tamayo na nagdesisyong sumama sa Fighting Maroons sa biyahe sa South Korea para sa kanilang paghahanda sa nalalapit na UAAP season.

Umaasa rin ang SBP na makatutulong si Adams sa Gilas. Si Adams ay dating No. 1 overall pick noong 2019 PBA Draft.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dating naglaro si Adams sa Terrafirma Dyip sa tatlong kumperensya kung saan huling nakita ito sa aksyon sa PBA 2021 Governors' Cup.

Matapos mag-expire ang kontrata, tumanggi na si Adams na palawigin pa ang kanyang kontrata sa Terrafirma sa unang bahagi ng 2022 na nagresulta sa pagiging free agent nito.

Matapos mawalan ng koponan sa PBA, nagpahiwatig na si Adams ng pagnanais na maglaro sa Gilas Pilipinas para sa fourth window ng qualifiers.

Kabilang sa magiging kakampi nito sa koponan sina Fil-Am NBA player Jordan Clarkson at 7'2' center Kai Sotto kung saan lalabanan nila ang Saudia Arabia sa Lunes ng gabi.

Kasama rin sa koponan sina Jamie Malonzo, Chris Newsome, Japeth Aguilar, Calvin Oftana, Scottie Thompson, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Bobby Ray Parks, at Dwight Ramos.