Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Linggo na unti-unti nang bumabagal ang hawahan ng COVID-19 sa bansa.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na bumaba pa sa 0.91 na lamang ang reproduction number ng COVID-19 sa bansa noong Agosto 24, mula sa 0.96 noong Agosto 17.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal na hawahan ng virus.

Ayon pa kay David, ang bilang ng mga bagong COVID-19 cases sa bansa ngayon ay bumaba pa sa 2,959 na lamang, o less than 3,000 kada araw, hanggang noong Agosto 27, 2022.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito aniya ay pagbaba ng 15% mula sa average na 3,487 noong nakaraang linggo.

"The 7-day average was at its highest of 4,071 two weeks ago," ani David.

Ang kasalukuyan naman aniyang average daily attack rate (ADAR) ay nasa 2.69 kada 100,000 populasyon, o ikinukonsiderang nasa low classification.

Bumaba rin naman ang positivity rate sa bansa ng mula 16.2% ay naging 14.3% na lamang noong Agosto 26. 

Ayon kay David, kung mananatili ang kasalukuyang trend, asahan nang makapagtatala na lamang ng less than 1000 kaso ng sakit kada araw sa bansa, pagsapit ng kalagitnaan ng Setyembre at 500 kaso naman sa katapusan ng naturan ding buwan.

"The 7-day average of new Covid cases in the PH decreased to 2959 as of August 27, down 15% from the previous week. Reproduction number decreased to 0.91. Current trends project to less than 1k new cases per day by mid September and 500 daily by end of September," ani David