Isa na namang kuwento ng kidnapping na may kinalaman sa "puting van" ang pinag-uusapan ngayon sa social media, na naganap sa City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Isang nagpakilalang guro ang nagbahagi nito sa kaniyang social media account upang magsilbing babala sa lahat, lalo na sa mga magulang at guardian, dahil batay umano ito sa karanasan ng kaniyang mag-aaral. May pahintulot umano ng guardian ng kaniyang mag-aaral ang pagpo-post nito upang maipakalat ang awareness at mapag-ingat ang lahat.

"Ang layunin po ng post na ito ay bigyan kaalaman ang mga magulang na maging maingat sa ating mga anak. Wala po itong layunin na manira ng anumang departamento at gumawa ng kaguluhan. Kung maaari po ay huwag hayaang mag-isa ang ating mga anak na pumasok sa paaralan," panimula ng guro.

"7:00 ng umaga, habang nagche-check ako ng attendance, nang ipatawag ako sa admin office upang puntahan ang aking mag- aaral na nasa barangay hall malapit sa aming paaralan."

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

"Pagdating ko sa barangay hall ay nakaupo ang aking mag-aaral na 17 years old. Umiiyak at nanginginig ang buong katawan.

Sa kaniyang salaysay, 6:54 ng umaga, ibinaba siya ng jeep lagpas sa school zone ng Sapang Palay National High School. (Sa mga jeepney driver po, pakibaba sa tamang babaan at school zone ang mga mag-aaral.)"

"Dahil may kalayuan na ang binabaan ng bata, walang gaanong tao at mag-aaral sa lugar na iyon. Tumawid na siya papunta sa kabilang kalye papunta sa school."

Habang naglalakad umano ang mag-aaral ay biglang may tumigil na puting van sa kaniyang harapan. May tinanong umanong isang lugar ang driver nito, at itinuro naman. Ngunit nang naglalakad na siya, napansin ng mag-aaral na nakabuntot sa kaniya ang puting van.

"Maya-maya ay bumaba ang dalawang maputing lalaki, singkit at mahaba ang buhok. Yung isa ay may tattoo na star na may mata sa gitna sa kaniyang leeg."

Dito na raw naisakatuparan ng mga kidnaper ang kaniyang tangkang pagdukot sa mag-aaral.

"Tinakpan ng panyo ang bibig niya para di siya makasigaw at hinawakan siya sa maselang bahagi ng dibdib. Pilit siyang isinasakay sa van ngunit natuhod nya ang ari nito. Tumakbo siya papasok ng eskinita at nakita ang barangay tanod kung saan siya humingi ng tulong."

Ayon pa sa salaysay, may isang elementary pupil daw na nasa loob na ng van, naka-uniporme, subalit nakahiga at natutulog.

"Guro, pulis, mga magulang at mga puno ng barangay, magkaisa at magtulungan po tayo sa pagbabantay upang maging ligtas ang ating mga anak," panawagan ng guro.

Ang Facebook post ng guro ay naibahagi sa Facebook page na "Balita Bulacan" at sa iba pang mga Bulacan-based social media pages.