Nasa 6th place lang ang Gilas Pilipinas Youth matapos paluhurin ng Iran, 89-72, sa FIBA Under-18 Asian Championship sa Azadi Basketball Hall, Tehran nitong Linggo ng hapon.

Umabante pa ang Gilas Youth, 18-17, sa unang bugso ng laban. Gayunman, nakuha ng Iran ang abante sa second quarter.

Umabot pa ng hanggang 27 puntos ang abante ng Iran, 66-39, tatlong minuto na lang sa orasan sa ikatlong bugso ng laban kasunod na rin ng dalawang free throw ni Mohammadbasir Momeni.

Tinangkang humabol ng Gilas sa fourth quarter, 77-60, matapos ang buslo ni Mason Amos. 

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Napanatili ng Iran ang bentahe hanggang sa maiuwi ang panalo.

Pinangunahan nina Matyar Ahmadpour at Mohammad Amini ang Iran sa naisalansang tig-19 puntos.

Kamakailan, tinalo ng Gilas Youth ang Chinese Taipei sa classification phase kaya nakalaban ng una ang Iran.

Sa Group C, winalis ng Gilas Youth ang kanilang laro, 3-0 panalo-talo.

Nalaglag man sila sa quarterfinals matapos silang talunin ng Lebanon kaya hindi na sila nakapasok sa 2023 FIBA Under-19 World Cup.