Todo ang pagtatanggol ni Senator Sherwin Gatchalian kay Executive Secretary Victor Rodriguez hinggil sa nabistong "illegal" sugar importation order kamakailan.

Sa panayam sa radyo nitong Linggo, nilinaw ng senador hindi natukoy sa imbestigasyon ng Senado nitong nakalipas na linggo na sangkot si Rodriguez sa pagpapalabas ng unauthorized sugar order (SO) No. 4.

Nakapaloob sa SO ang pag-aangkat sana ng 300,000 metriko toneladang asukal upang mapunan umano ang kakulangan ng suplay nito sa bansa.

Nagkaroon lamang umano ng "hindi pagkakaunawaan" sa paglalagda ng naturang kautusan na nagresulta sa pagbibitiw ng ilang opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa kanilang puwesto.

"Hindi ko makita sa pagdinig na may utos siya sa paglagda ng SO. In fairness kay ES Rodriguez, hindi ko nakita sa pagdinig ang kanyang pag-utos, na direktang utos, na pirmahan ‘yan dahil kailangan," pagdidiin ng senador.

Hinala rin ng senador, nagsabwatan ang mga negosyante upang palabasing kulang ang suplay ng asukal.

Kitang-kita rin aniyang sapat ang suplay ng asukal sa bansa matapos matuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa sunud-sunod na inspeksyon na daan-daang libong sako ng asukal ang nakaimbak sa mga bodega sa Pampanga, Bulacan, Subic, Quezon City, Cavite kamakailan.

Idinagdag pa ng senador na layunin din ng imbestigasyon ng Senado na matukoy ang nasa likod ng kahina-hinalang pagpapalabas ng permit para sa importasyon ng asukal.

PNA