Ilang araw bago tuluyang magwakas at maipinid ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, naglabas ng isang memorandum Department of Education, alinsunod na rin sa "Komisyon sa Wikang Filipino" o KWF, hinggil sa kapasiyahan nitong ipahinto ang paggamit ng "Filipinas" at pagbawi sa pinagtibay na kapasiyahan kalipunan ng mga komisyuner.
Ayon sa Memorandum Pangkagawaran Blg. 074 serye 2022, napagpasiyahan ng komisyon na bawiin ang kapasiyahan kalupunan ng mga komisyuner Blg. 13-19 serye 2013 na pagpalit ng letrang "F" sa letrang "P" ng Pilipinas, gayundin sa "Pilipino" na katawagan para sa mga mamamayan.
Ayon sa memo, kailangang ibalik ang paggamit ng "Pilipinas" sa pangalan ng bansa at "Pilipino" naman para sa mga mamamayan, dahil ayon sa Saligang Batas, ito ang opisyal na pangalan ng bansa.
Hindi na rin kailangang baguhin ang mga kagamitang nailimbag na ginamit ang mga salitang "Filipinas" at "Filipino" gaya ng aklat, self-learning modules, weekly home learning plan, learning activity sheets, at iba pang uri ng mga babasahin. Iwasto na lamang umano ng mga guro at kawani ang mga bagay na ito habang ginagamit sa proseso ng pagtuturo.
Hinihikayat din ang wastong baybay na itinakda ng KWF sa mga kagamitang panturo at korespondensya opisyal na ilalabas pa lamang.
Ipinadala ang memo sa mga direktor ng kawanihan, direktor ng mga rehiyon, tagapamanihala ng mga paaralan, at mga pinuno ng mga pampubliko at pampribadong paaralan.
Sa panahon ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario na dating Punong Komisyuner ng KWF ang pinagmulan ng ideyang ito, dahil noong panahon umano ng mga Espanyol, ang pangalan ng bansa ay binabaybay at binibigkas na "Filipinas".
Bagama't hindi naging mahigpit ang KWF sa pagpapagamit ng "Filipinas" sa halip na "Pilipinas" at "Filipino" sa halip na "Pilipino", marami-rami na ring mga guro, dalubwika, propesyunal, at kawani ang gumamit nito.