Binabalak na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpatupad ng direktang pamamahagi ng educational cash assistance sa mahihirap na estudyanteng nasa malalayong lugar na walang internet access.

Layunin nito na maiwasang dumagsa ang mga walk-in applicants sa mga payout center ng DSWD at hindi na mahirapan ang mga estudyanteng makikinabang sa nasabing cash assistance.

Paliwanag ni DSWD Undersecretary, spokesperson Romel Lopez, makikipag-ugnayan sila sa mga local government unit (LGU) upang matukoy ang mga benepisyaryong walang cellular phone o walang access sa internet para sana sa isasagawang online registration.

Matatandaang naging magulo ang sistema sa pagsisimula ng pamimigay ng cash assistance noong Agosto 20 matapos dumugin ng mahihirap na estudyante ang mga tanggapan ng DSWD sa Quezon City at Maynila.

Aabot sa ₱1.5 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa naturang programa.

Ang pamamahagi ng tulong pinansyal ay magtatagal hanggang Setyembre 24, 2022.