CAMP DANGWA, Benguet -- Hindi lang mga pulis ang binibigyan ng parangal sa kanyang pagreretiro, kundi maging ang magigiting na aso na malaki ang naiambag sa police operations at pagtulong sa komunidad.

Tatlong retiradong asong pulis na sina Gordon, Wanda, at Bullet, ang binigyan ng parangal ng mga tauhan ng Police Regional Office Cordillera sa ginanap na "Salamat Kapatid and Kaibigan Program" sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad Benguet noong Agosto 26.

Si Col. Elmer Ragay, chief of staff ng Police Regional Office-Cordillera, ang nanguna sa seremonya ng retirement honors kung saan siya ay nagbigay ng Certificates of Recognition at treats sa mga canine honorees.

Sina Gordon at Wanda ay parehong Asong Pinoy (Aspin) na nagsilbi sa PNP ng mahigit pitong taon bilang Combat Tracking Dogs (CTD).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa mga highlight ng kanilang mga nagawa bilang CTD, tumulong sina Gordon at Wanda sa paghahanap ng nawawalang Korean National sa Barlig, Mt. Province noong 2017.

Tumulong din sila sa Search and Rescue/Retrieval operations noong nangyari ang landslide sa Sitio Sakrang, Barangay Banawel, Natonin, Mt. Province noong 2018 at ipinadala sa armadong engkwentro sa Tadian, Mt. Province na humantong sa pagkadiskubre ng mga harboring areas at mga ruta ng pagtakas ng Communist Terrorist Group (CTG).

Si Bullet, isa ring Aspin, ay nagsilbi sa PNP ng mahigit anim na taon bilang Search and Rescue Dog (SARD).

Ang kanyang accomplishment ay pagkatapos ng bagyong “Ompong”, natagpuan ni Bullet ang apat na nasawi sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet at ginawaran ng “Medalya ng Kadakilaan” ni dating Pres. Rodrigo Roa Duterte.

Noong 2019, inatasan si Bullet sa isang operasyon ng SAR upang mahanap ang dalawang nawawalang binatilyo na tinangay ng rumaragasang tubig sa isang sapa sa Lower Wangal, La Trinidad, Benguet noong 2021.

Ipinadala din siya para hanapin ang tatlong nawawalang tao na natabunan sa pagguho ng lupa sa Barangay Dominican-Mirador, Baguio City sa pananalasa ng bagyong “Maring”.

Pinarangalan din ni Ragay ng Medalya ng Kasanayan (PNP Efficiency Medal) sina SSg Elizer Pe, Gordon’s handler; SSg Arthur Bayangan, Wanda’s handler at PMSg Arman Acangan, ang handler ni Bullet sa paggabay at pagsasanay sa tatlong canine.

Matapos ang pagreretiro ng tatlong ASPIN (Asong Pinoy) police service dogs, nakatakda na ang mga ito para sa mga bagong tahanan at handa na para sa pag-aampon.

Napag-alaman na ang mga asong pulis ay karaniwang nagsisimulang magtrabaho sa edad na 1 taong gulang at magretiro sa edad na 10 taong gulang. Maaaring mag-iba ang edad ng pagreretiro batay sa lahi at kalusugan ng asong pulis. Ang panimulang edad ay maaari ding mag-iba ngunit karamihan sa mga asong pulis ay nagtatrabaho nang humigit-kumulang 8-9 na taon.