Tila nagbayanihan ang netizens at mabilis na ipinakalat online ang isang security feature ng kilalang phone brand na maaaring magpadala ng emergency message, call history, at lokasyon sa ilang mahal sa buhay sa oras ng kagipitan.
Sa talamak na mga ulat ng kidnapan at viral incidents ng mga krimen online, pinaka-prayoridad ng lahat ngayon ang seguridad.
Kaya naman matapos madiskubre ng isang netizen ang “Emergency SOS” feature ng isang phone brand, parang apoy itong kumalat online.
Viral at libu-libong netizens na Xiaomi at Poco users ang nag-share ng anila’y lifesaver feature na maaaring hindi pa nadidiskubre ng kalakhan.
Sa nabanggit na phone brands, maaaring hanapin ang "“Emergency SOS” feature na makikita sa bungad ng Settings.
Pwede rin itong nakapaloob sa “Passwords and Security” sa ibang yunit.
Matapos i-on ang emergency SOS at magdagdag ng emergency contacts, awtomatikong magpapadala ng emergency message ang device sa mga napiling contacts kasama ang lokasyon ng user sa oras ng kagipitan, sa pamamagitan lang ng sunod-sunod na pagpindot ng limang beses sa power button nito.
Maliban dito, maaari ring ma-akses ng emergency contacts ang call history at porsyento ng baterya ng device ng nagpadalang user.
Ang feature ay sabay-sabay na sinubukan ng maraming netizens at napatunayang lehitimo.
Hindi naman kumpirmado kung available ang parehong feature sa ilang pang phone brand sa bansa.
Kamakailan, isang lifesaving online application din ang nag-viral kasunod ng mga ulat ng kidnapan.