Hindi pinalagpas ng mga awtoridad ang isang TikTok user dahil sa ginawa nitong "ligo challenge" habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo kasama ang isang kaangkas, na kumakalat ngayon sa nabanggit na social media platform.
Sinabon umano ng ilang mga tauhan ng Land Transformation Office sa Region XI ang vlogger/social media personality na si Norme Garcia, mula sa Tagum City, Davao del Norte, matapos nitong isagawa ang ligo challenge habang nagmamaneho ng motorsiklo. Makikita sa kaniyang video na binuhusan siya ng tubig mula sa timba ng kaniyang kaangkas na kasama mula sa kaniyang likuran.
Ayon sa ulat, nagtungo pa raw sa aktuwal na lugar ang investigation team ng LTO kung saan isinagawa ang video shoot at nalaman na ang kalsada ay isang barangay road na patungo sa isa pang barangay.
Ipinaalam umano sa influencer ang kaniyang mga paglabag, lalo't hindi rin siya nakasuot ng helmet nang isagawa ang ligo challenge. May posibilidad umano na mawalan siya ng driver's license dahil dito.
Samantala, sa kaniyang Facebook post ay humingi na ng paumanhin ang naturang influencer, lalo't baka may mga gumaya pang iba sa kaniyang ginawang challenge. Handa umano siyang harapin kung anuman ang kailangan niyang harapin sa LTO dahil sa kaniyang ginawa.
"Good evening mga pangga, Alam ko maraming nag-aantay sa statement ko about the ligo challenge. Pero kasi I want to settle it privately muna as of now. Tatapusin ko muna lahat privately before mag-post ng anything about it," ayon sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Agosto 24.
"I’m really willing to face any consequences about my actions kaya naki pag cooperate ako sa mga HPG and LTO. Thank you for your unending support and God bless," dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan ay nauuso ang "ligo challenge" sa TikTok.