San Carlos City, Pangasinan -- Naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking tubong Davao na sangkot sa tangkang pagpatay.
Sa ulat na nakarating sa Pangasinan Police Provincial Office, kinilala ang umano'y suspek na si Delmar Capuyan, tubong Brgy. Lubogan, Toril, Davao City at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. PNR Site, San Carlos City.
Ayon sa pulisya, halos magsasampung taon nang naninirahan si Capuyan sa San Carlos City.
“Pabalik balik na lang sya sa Davao, hanggang sa nangyari ang krimen noong 2020 sa Davao, siya itong unang nang attempt na pumatay gamit ang kanyang baril, subalit ang kanyang biktima ay nakakuha ng itak at nataga si Delmar. Hindi naman nito inakala na siya pa ang makakasuhan," saad ng pulisya sa Manila Bulletin.
Inaresto ng PNP ang suspek bandang 7:15 ng gabi noong Biyernes, Agosto 26, para sa Attempted Murder (RPC 248) sa bisa ng Warrant of Arrest na may criminal case number na R-DVO-00105-CR na may petsang Hulyo 30, 2021 na inilabas ni Hon, Mario Duaves, Presiding Judge ng RTC, 11th Judicial Region, Branch 15, Davao City, Davao del Sur.
Inirerekomenda ang bail bond na nagkakahalagang P120,000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
"Mabilis ang info sa paligid kaya nagawan ng paraan na umikot ang intelligence at nag-verify na may kasong kriminal ang akusado kaya naisagawa ang pag-aresto batay na rin sa Warrant of Arrest," ayon pa sa pulisya.