Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado ang isa pang kaso ng hate crime laban sa isang Pinay senior sa Amerika.
Inilabas ng DFA ang update matapos ang isang 74-anyos na Pinay na iniulat na sinaktan ng hindi kilalang Black woman noong umaga ng Agosto 24 habang siya ay naglalakad lamang sa Midtown Manhattan.
Ayon sa DFA, ang Philippine Consulate General sa New York ay naglabas na ng advisory na nagpapaalala sa mga Pilipino sa Northeastern United States na “maging mapagbantay at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat sa lahat ng oras habang nasa lansangan o sa mga subway..”
Ipinaalam din ng gobyerno ng Pilipinas ang mga opisyal ng US tungkol sa usapin. Ang huli, bilang tugon, ay nagbigay ng katiyakan na siniseryoso nila ito at gumagawa ng mga hakbang upang matugunan ito, sabi ng DFA.
Sa kasalukuyan, mayroong 450,000 Pilipino sa 10 US States sa ilalim ng hurisdiksyon ng New York Consul General, anang tagapagsalita ng DFA na si Ma. Teresita Daza.
Mayroong 43 kaso ng race-based violence and harassment na kinasasangkutan ng mga Pilipino ang naiulat kamakailan, karamihan ay ginawa sa Manhattan at Queens sa New York City, dagdag ni Daza.
“We assure our fellow Filipinos that our Consulate General in New York will continue monitoring these incidents accordingly and is ready to assist hate crime victims and other distressed Filipinos in the area,” anang DFA sa isang pahayag.
Joseph Pedrajas