Tinutukan man ng baril ay nakangiti pang dinedma ng isang staff ng fastfood restaurant sa San Pedro, Laguna ang isang holdaper matapos akalain nitong prank lang ang lahat.

Ito ang pagbabahagi ni Charisse Bautista sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Agosto 22, matapos ang insidente ng panghoholdap sa kaniyang resto noong gabi ng Linggo, Agosto 21.

Ayon kay Bautista, bandang 11:40 ng gabi nang pasukin ng dalawang ‘di pa nakikilalang suspek na balot ng helmet at mask ang kanilang kainan.

Dalawang cellphone ng regular customers ng resto ang natangay kasunod ng insidente.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“Nakapabilis ng pangyayari, wala pa pong 20 seconds at sa kasamaang palad, natangay po ang phone ng 2 regular customers namin. Tinutukan ng baril ang lahat ng tao sa shop kasama na yung mga crew,” pagbabahagi ni Charisse.

Agad naman aniyang rumesponde ang ilang barangay tanod sa lugar ngunit bigo itong masakote ang mga holdaper.

Hindi rin nasapul sa CCTV ang pagtakas ng mga suspek.

Matapos ang insidente, mas hinigpitan naman ang seguridad sa lugar gayundin habang nangako ang barangay na mas paiigtingin ang pagroronda ng mga tanod sa gabi.