TUMAUINI, Isabela -- Hindi bababa sa limang katao ang nasawi kabilang ang isang 6 na buwang gulang na sanggol at dalawa ang nasugatan sa salpukan ng tatlong sasakyan, hapon ng Sabado, sa kahabaan ng National Highway Brgy. Balug.

Ang mga sangkot na sasakyan ay isang ISUZU trailer truck na minamaneho ni Oliver Zamora, at residente ng Purok Daisy Brgy. Caloocan, Alicia, Isabela; Honda XRM 125 Single MC na minamaneho ni Kuldip Singh, 38, at residente ng Brgy. District III Tumauini, Isabela; at RUSI tricycle na minamaneho ni Arnel Menor, 37, at residente ng Mallig, Isabela.

Nasawi sina Kuldip Singh at Arnel Menor, kapwa driver ng single motorcycle at tricycle, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Patay din ang tatlong pasahero ng RUSI Tricycle na kinilalang sina Ernesto Caronan, 71, residente ng Brgy. Bliss Village, City of Ilagan, Isabela; Prince Adrian Menor 6 na buwang-gulang; at Diana Rose Menor, 36 at residente ng Mallig, Isabela.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Sugatan ang isa pang pasahero na si Elma Caronan, 64, residente ng Brgy. Bliss Village City of Ilagan, Isabela.

Ibinunyag ng imbestigador ng Tumauini PNP na bago ang insidente, binabagtas ng ISUZU truck ang nasabing kalsada patungong hilagang direksyon habang ang Honda XRM at ang nasabing tricycle ay binabaybay ang timog na direksyon.

Pagdating sa National Highway Brgy. Balug, napasok ng nasabing truck ang kabilang lane at aksidenteng nabangga ang paparating na single motorcycle at tricycle.

Dahil dito, dead on the spot ang driver ng nasabing dalawang sasakyan kasama ang tatlong pasahero habang ang pasaherong si Elma Caronan ay nagtamo ng serious physical injury na agad na dinala ng rumespondeng Rescue 811 sa Tumauini Community Hospital.

Nagtamo ng minor injury ang driver ng trak at dinala sa Tumauini Community Hospital.

Si Zamora ay positibo sa alcohol breath test na pinatunayan ng attending physician, sabi ng ulat.

Nasa kustodiya na ngayon ni Tumauini PS ang nasabing suspek para sa karagdagang imbestigasyon.