Hindi umano magkakaugnay ang sunud-sunod na insidente ng kidnapping sa bansa, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.
Paliwanag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi magkakatulad ang motibo ng mga naaarestong suspek sa serye ng insidente.
“Itong mga insidente na ito ay masasabi natin na hindi naman talaga ito gawa ng isang grupo ng isang tao, 'yung mga nahuli nating suspek at mga kasong ito ay kanya-kanyang silang may personal na motibo,” pahayag nito sa panayam sa telebisyon.
Aniya, naglabas na ng direktiba si PNP chief General Rodolfo Azurin, Jr. para sa pagpapakalat ng mas maraming pulis sa lansangan sa buong bansa.
“Pati 'yung ating mga police na duty sa mga administrative work sila ay na rin po ay palalabasin na rin particularly 'yung mga naka-assign po sa mga regional headquarters, national headquarters para makatulong po at ma-complement po 'yung mga pulis po natin nagre-render ng patrol duties,” sabi pa nito.