Inabisuhan ng gobyerno ang mga motorista na humanda na sa malakihang dagdag sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ito ng kinumpirma ni Department of Energy (DOE)-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad.

Sa pag-aaral ng mga taga-industriya ng langis sa kalakalan ng produkto simula Agosto 22-25, posibleng maipatupad ang pagtaas sa presyo ng diesel mula ₱5.40 hanggang ₱5.70 kada litro.

Posible namang maipatupad ang dagdag na ₱1.30 hanggang ₱1.60 sa bawat litro ng gasolina.

Ang inaasahang dagdag-presyo ay resulta lamang ng matagal nang kakapusan ng suplay ng langis dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ikinatwiran ni Abad, nagpabigat din sa price adjustment ang patuloy na pagtanggi ng Russia na magsuplay ng petroleum products sa Europa.

Inaasahang maipatupad ang taas-presyo sa Agosto 30.