BANGUED, Abra – Nakatanggap ng tulong mula sa kapwa pulis ang 407 pulis, na unang rumesponde sa naganap na magnitude-7 na lindol sa Abra, sa pamamagitan ng 'Bayanihan Espiritu.'

Bilang tugon sa trahedyang dulot ng lindol na sumentro sa Abra, ang mga pulis sa iba’t ibang lugar sa bansa ay nagbuhos ng kanilang suporta sa pamamagitan ng ambagan mula sa kanilang sariling bulsa para makatulong sa kapwa nilang pulis na apektado ng lindol.

Ang kanilang kabuuang kontribusyon ay umabot sa P7,296,227.

Sa talaan ng Police Regional Office-Cordillera- Regional Comptrollership Division (RCD), ang Police Regional Office (PRO) 6 ay nakapag-donate ng P2,000,000; ang PRO-7 ay P1,904,143; ang PRO-2 ay P1,054,950.

Probinsya

Labi ng dalagang inanod ng baha noong bagyong Kristine, natagpuan sa isang creek

Ang PRO-Bansangmoro Autonomous Region ay naka-donate ng P600,000; PRO8-P 421,971; PRO9-P375,000; PRO5-P239,500.00;PRO4B-P200,000; PRO10-P168,767; PNP Finance Service P141,000; PRO12-P140,331; CIDG Cordillera-P15,000; CIDG RFU1 -P12,000; DIDM-10,465; Maritime Group- P10,000; RCEU 4A-P3,100 at food packs na nagkakahalaga ng P337,000 ang ibinigay ng PRO4A.

Sa opisyal na pagbisita ni BGen. Mafelino Bazar, regional director ng PROCOR sa Abra Provincial Police Office, noong Agosto 25, pinuri at ginawaran niya ng mga medalya ang 407 apektadong pulis at ipinamahagi ang nasabing tulong pinansyal.

Sinabi ni Bazar, 6 na tauhan na nag-ulat na nawasak ang kanilang mga bahay ay binigyan ng P100,000 bawat isa, habang ang 29 na tauhan na nag-ulat ng malaking pinsala sa kanilang mga ari-arian ay tatanggap ng P50,000 bawat isa at 378 iba pang tauhan na may iniulat na minor na pinsala ay tatanggap ng P13,613 bawat isa.

“Buhay na buhay at umuunlad ang diwa ng 'bayanihan' sa mga tauhan ng PNP. Sa tulong ng ating mga kapatid sa serbisyo, mas magiging madali ang ating pagbangon. Salamat sa inyong mga donasyon at salamat sa inyong mga panalangin," pahayag ni Bazar.

Bukod sa mga tauhan ng PNP, binigyan ng P100,000 ang Bangued Municipal Police Station, na labis na napinsala sa kanilang police station para magamit sa maayos nilang paglipat sa kanilang pansamantalang opisina sa Oval area sa Zone 2 Bangued, Abra.