Kumpiyansa ang gobyerno na kayang tapusin ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-iimprenta ng 30.1 milyong National identification (ID) card bago matapos ang 2022.

Tiniyak ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na bukod dito, mag-iimprenta rin ng 19.9 milyong digital ID card.

Nitong Agosto 23 aniya ay dinala na ng PSA sa Philippine Postal Corporation ang 17.6 milyong national ID card upang maipadala sa mga aplikante.

Iniulat naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na sa nakalipas 11 na araw ay nakapag-imprentaang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 103,000 kada araw o mas mataas sa daily target ng PSA.

Kamakailan, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa PSA na ipamigay ang 30 milyong national ID hanggang katapusan ng 2022 at abutin ang target na 92 milyon sa kalagitnaan ng susunod na taon.