Arestado ang isang pinaghihinalaang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa Quezon City nitong Miyerkules.
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang pagkakaaresto ni Adora Faye De Veyra, sa Maalalahanin St., Teacher's Village East nitong Agosto 24.
Ayon kay Azurin, si De Veyra ay nag-o-operate sa Western Visayas bago ito matiktikan at madakip ng mga tauhan ng Police Regional Office 6.
Aniya, mayroong nakabinbin na warrant of arrest si De Veyra sa Iloilo City Regional Trial Court Branch 22 sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder.
Si De Veyra ay staff officer umano ng general command ng CPP/NPA/NDF at secretary ng central front ng CPP-NPA regional committee sa Panay island.
Nahaharap din si De Veyra sa kasong rebellion at mayroong pabuyang ₱2.5 milyon sa ikadarakip nito.