Personal na binisita at pinagkalooban ni Manila Mayor Honey Lacuna ng₱100,000 ang mga senior citizens sa lungsod na nagdiwang ng kanilang ika-100-taong kaarawan kamakailan.
Maliban pa sa naturang tseke, binigyan rin ni Lacuna ng certificate of recognition at birthday cake ang mga sentenaryo ng lungsod.
Nabatid nitong Huwebes na ang unang sentenaryo na binisita niLacuna ay si Lola Elena Pineda de Vibar ng Sampaloc, na nagdiwang ng kanyang ika-100 taong kaarawan noong Hulyo 5.
Sumunod namang tinungo ng alkalde ay si Asuncion Alix ng Sta. Cruz, na nagdiwang naman ng kanyang 100-taong kaarawan nitong Miyerkules lamang, Agosto 24.
Ayon kay Lacuna, ang personal niyang pagbisita sa mga sentenaryo ay kanyang munting paraan nang pasasalamat at pagkilala sa elderly population na gumugol ng kanilang produktibong panahon at nakatulong sa pag-unlad ng lungsod.
Nanawagan din ang alkalde sa pamilya ng mgasenior citizens sa lungsod na alagaan ng husto ang mga ito, dahil tatanda din aniya silang tulad ng mga ito.
Kailangan din aniya na ipakita ng mga nag-aalaga sa mga matatanda ang magandang halimbawasa mga kabataan upang ito ay pamarisan at gawin din sa kanila balang araw.
Nabatid na ang mga sentenaryo ay tumatanggap ng₱100,000 insentibo bawat isa, alinsunod saRepublic Act (RA) 10868 o ng Centenarians Act of 2016 bilang pagkilala ng kanilang naging ambag sa pagtatayo ng bansa.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang sinumang Filipino na umabot sa edad na 100 taon, nakatira man sa bansa o sa ibang bansa, ay kikilalanin din sa pamamagitan ng Letter of Felicitation mula sa pangulo ng Pilipinas na bumabati sa kanyang mahabang buhay.
Upang makuha ang mga benepisyo sa ilalim ng batas, inaatasan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kaanak ng sentenaryo na magsumite ng mga kinakailangang dokumento, gaya ng birth certificate at Philippine passport sa city o municipal social welfare office o sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng kanilang lokalidad.
Kung wala ang dalawang dokumentong nabanggit, kahit isa sa primary Identification Cards na inisyu ng OSCA, Government Service Insurance System (GSIS), at Social Security System (SSS); driver’s license; Professional Regulations Commission (PRC) license at voter’s ID mula sa Commission on Elections (COMELEC) ay tinatanggap din.