Plano ni Manila Mayor Honey Lacuna na magtayo ng mga vaccination areas sa may 107 public elementary at high schools sa lungsod, nabatid nitong Miyerkules.
Ayon kay Lacuna, layunin nitong mas marami pang magulang, mga estudyante at mga guro ang makumbinse na magpaturok na ng kanilang COVID-19 primary vaccines at booster shots.
Anang alkalde, noong panahon ng enrollment ay nagtayo na rin sila ng vaccination areas sa mga paaralan, sa pangunguna ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan.
Ang mga vaccination areas aniya ay itinayo sa mga paaralan at maraming residente ang nakapagpabakuna sa mga ito.
Bilang isang doktor, patuloy na hinihikayat ni Lacuna ang mga residente na magpabakuna na dahil ito pa rin aniya ang pinakamabisang paraan upang magkaroon sila ng proteksiyon laban sa COVID-19.
Umapela na rin naman ang alkalde sa mga estudyante na hikayatin ang kanilang mga magulang na pabakunahan na sila.