Viral ngayon sa social media ang pagsisiwalat ng isang netizen na si "Jeannie Vargas" tungkol sa mga sinabi ng isang guro sa kaniyang pamangking Grade 5 pupil, sa mismong unang araw ng pagbabalik-eskwela.
"Posting this for awareness and as a reminder, especially to teachers and parents, dahil gigil ako talaga today dahil sa nangyari sa pamangkin ko 🙏🏻," panimula ng netizen.
"First day of school ng pamangkin ko ngayon, tapos ito yung nangyari agad sa kaniya. Graduate din po ako sa elementary school kung saan siya ngayon, pero grabe, sobra naman tong teacher na 'to. Sobrang excited ng pamangkin ko pumasok dahil first day at first time ulit na face-to-face classes, tapos ito maexperience nya agad. Nakakalungkot, guys 😔💔."
Salaysay ni Vargas, iyak daw nang iyak ang kaniyang pamangkin nang umuwi ito mula sa paaralan. Dahil sa hindi maipaliwanag nang maayos ang nangyari sa kaniya, isinulat na lamang ito ng bata sa isang papel.
Mababasa sa papel na pinagsalitaan umano siya ng guro ng "bobo", "hayop", at "bruha ka" dahil ang tagal daw niyang magsulat, marahil ay sa pinakopya nito sa pisara.
"Paano mong nasasabi mga ganitong bagay sa isang 10-year old sa pinakaunang araw ng pasukan nila? Kung hindi po masaya sa pagiging guro sa mga bata, hanap na lang po ng ibang career. Wag nyong idamay mga estudyante na sumusubok pa lang lumaban sa buhay," ani Vargas.
"Hindi ako yung nakaexperience pero ramdam ko yung trauma ng pamangkin ko ngayon. Hindi man pisikal, pero pinakamasakit yung maririnig mo yung mga ganitong salita sa tao na dapat nga nagtuturo sayo ng tamang asal sa labas. Yung ineexpect mo na bilang magulang, paglabas ng bahay, yung teacher yung katuwang mo sana humubog ng bata sa labas, tapos ito yung maririnig nila?"
"Haaay, please po, teachers, let's do better."
Sa kabilang banda, naniniwala si Vargas na hindi lahat ng guro ay kagaya ng gurong naka-engkuwentro ng kaniyang pamangkin.
"Alam ko hindi lahat ganito. At saludo po tayo sa lahat ng guro na ginagampanan ng maayos ang trabaho nila. Pero, sa iba po, wag sanang ganito."
"Sa US, tumataas ang rate ng mga batang nagsu-suicide as young as 10 years old dahil sa mga estudyante na bully sa school, tapos mababalitaan mo teacher mismo yung bully? 💔"
"Hindi po dahil bata o dahil nasa public school, pwede nyo ng ibully ng ganyan. At sa mga parents naman, let's check on our kids pagkagaling sa school. Minsan, baka tahimik lang pero sobra na palang pambubully ang nakukuha sa school. At lalong wag po tayong matakot to stand up for our kids. Pag nakikita nila na kaya natin silang ipaglaban sa mga taong mali, matututo rin silang ipaglaban mga sarili nila balang araw."
"Ako, tita lang po ako ng batang to, but I'm also a mom, nasa isip ko, ilang bata pa ibubully nitong teacher na to? Antayin pa ba na may masira na bata mentally, and emotionally na mas malala bago may gawin sa mga ganitong klaseng teacher?
Hindi nyo po deserve ang lisensya na dapat sa ibang tao na mas may malasakit sa mga bata."
"Take note, yung 'bobo' raw ng sinabi sa kaniya, pabulong. Masyadong personal. Napakatalino ng pamangkin ko, laging honor student sa mga dati nyang school, kaya kung para po sa proteksyon ng ibang bata pa na magiging estudyante ninyo, gagawin po namin lahat para di na kayo maging teacher ng iba pa."
Naawa raw si Vargas sa kaniyang pamangkin dahil natatakot na itong pumasok sa paaralan.
Samantala, nakarating na sa Department of Education (DepEd) ang viral post at nangakong iimbestigahan ang insidente. Kung mapapatunayang ginawa nga ito ng guro, mahaharap ito sa disciplinary action.
"The teacher will be subjected to administrative proceedings in accordance with our rules. The DepEd takes these incidents very seriously,” pahayag ni DepEd Spokesperson Michael Poa.
“Psychological first aid was immediately given to the learner by trained personnel from the school health section. Psychosocial status of the learner will be monitored,” dagdag pa niya.
Samantala, nilinaw naman ni Vargas na wala siyang masamang intensiyong bahiran ng dungis ang imahen ng kaguruan. Sa katunayan, sa isa pang Facebook post ay sinariwa niya ang kaniyang guro noong hayskul, na nagsabing kaya naman niyang maging matagumpay sa buhay, noong mga panahong tila patungo siya sa likong direksyon noong nag-aaral pa siya.
Nagdulot umano ito ng inspirasyon sa kaniya, na dala-dala niya hanggang sa kasalukuyan.
"Ang post ay hindi rin po para siraan ang mga guro natin, dahil saludo po tayo sa kanilang lahat, lalo na sa mga maayos at proud sa ginagawa nila. Reminder lang din po ito, lalo na yung mga bata ang hina-handle, na habaan pa sana ang pasensya, at wag kayo ang maging dahilan ng hindi pag-grow ng bata," paalala ni Vargas sa kaniyang bukod na Facebook post.
"Dahil sa isang salita ninyo, pwedeng makasira sa future ng bata. Dapat nga kayo pa ang humuhubog ng confidence nila para mailabas mga angking galing nila, at hindi para sirain."
"Wag sana nating isakripisyo ang mental health ng mga anak natin para lang masabi na nakapagtapos sya sa magandang paaralan."
"Importante pa rin yung alam nating hindi lang physically safe mga anak natin, pero dapat mentally at emotionally safe din sa pinupuntahan nila, lalo na sa school, pag wala sila sa bahay natin."
"Naireport na po ito sa mga tamang tao, at aantayin lang po natin ang magiging aksyon. Salamat po sa inyo! Sila na po ang bahala kung ano ang dapat gawin sa nangyari," aniya.