Suspendido ang libreng sakay ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga estudyante nitong Miyerkules, Agosto 24, kasunod na rin ng kanselasyon ng klase sa mga paaralan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dahil sa bagyong Florita.
“Pansamantalang sususpendehin ng LRTA ang LRT-2 Libreng Sakay Program para sa mga Estudyante bukas, ika-24 ng Agosto kasunod ng pagkansela sa klase ng mga paaralan dahil sa bagyong Florita,” anunsiyo ng LRTA nitong Martes ng gabi.
Anila, ibabalik na lamang ang libreng sakay bukas, Agosto 25, Huwebes, kasabay nang pagbabalik sa eskwela ng mga mag-aaral.
“Magbabalik ang Libreng Sakay para sa mga Estudyante sa Huwebes, ika-25 ng Agosto 2022,” anito pa.
Matatandaang una nang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno maging ang klase sa mga public schools mula Martes hanggang Miyerkules dahil sa malalakas na pag-ulan at mga pagbaha dulot ng bagyong Florita.
Sakop ng suspensiyon ang trabaho sa government offices at klase sa public schools sa Metro Manila, at mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales, at Bataan.
Maging ang Metro Manila mayors ay nagdeklara rin ng kanselasyon ng klase, kasama ang mga pribadong paaralan.
Ang libreng sakay ng LRT-2 ay nagsimula sa pagbubukas ng klase noong Agosto 22, 2022 at magtatagal hanggang sa Nobyembre 5, 2022.
Ang LRT-2 ay siyang nagdudugtong sa Recto Avenue, Maynila at Antipolo City sa Rizal kung saan matatagpuan ang aabot sa 80 unibersidad, kolehiyo at mga paaralan.