ISABELA - Patay ang isang mag-asawa at sugatan naman ang tatlo pang pasahero matapos bumaligtad ang isang pampasaherong bus na patungo sana sa Maynila sa pababang kalsada sa Barangay San Manuel, Naguilian nitong Martes ng hapon.
Dead on arrival sa ospital ang mag-asawang sinaMyrna Corpuz at Oliver Octario Corpuz, kapwa taga-P3 Andres Bonifacio, Diffun, Quirino, dahil sa matinding pinsala sa kanilang katawan.
Isinugod naman sa ospital sinaDominador Antolin III, taga-Brgy. Dubinan, Arellano Street, Santiago City, Isabela; Marvin Balinag, taga-Angadanan, Isabela at Wilmer Dumo, 28, taga-Brgy. Placer, Benito, Soliven, Isabela, kapwa miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakaligtas naman ang driver ng Victory bus liner (CXU-844) na si Jerome Rivera, 46, taga-Calaocan, Santiago City at conductor na si Richelle Dutdut, 43, taga-Poblacion, Sta. Ana, Cagayan.
Sa paunang pagsisiyasat ng Naguilian Municipal Police, ang insidente ay naganap sa national highway dakong 12:30 ng hapon.
Tinatahak ng bus ang pababang kalsada nang sumalpok sa poste ng ilaw, ayon sa pulisya.
“Madulas ang daan at pababa ito, kaya marahil tumagilid ang bus,” sabi ni Naguilian Police chief, Major Junneil Perez.
“Bumisita lang sa anak nila ang mag-asawa na nasa Tuguegarao City, Cagayan at pabalik na ang mga ito sa Quirino nang maganap ang aksidente,“ ayon pa sa opisyal.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Rivera at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide (2 counts).