Nasa 466,142 sakong asukal ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang milling company sa Cagayan de Oro, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Miyerkules.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang nasabing asukal ay natuklasang nakaimbak sa tatlong bodega ng Crystal Sugar Milling Inc. sa North Poblacion.
"Isinagawa ang operasyon base na rin sa intelligence report na nagsasabing ang may-ari nito ay sangkot sa malawakang hoarding ng mga supply ng asukal," pahayag ni Cruz-Angeles.
Sinabi ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng ahensya, aabot sa 264,000 sako nito ay naibenta na ng kumpanya, gayunman, nananatili pa rin ito sa kanilang bodega.
Wala umanong maiharap na dokumento ang kumpanya na nagpapatunay na naibenta nila ang lagpas kalahati ng nakaimbak na asukal.
Matatandaang kinumpiska ng BOC ang mahigit sa ₱220 milyong halaga ng asukal sa magkakasunod na pagsalakay sa Pampanga at Bulacan kamakailan.