Puno nang takot ang isang 13-anyos na dalagita mula sa Brgy. 162, Caloocan, nang ilarawan nito kung paano siya muntik madukot ng tatlong lalaki sakay ng puting van.

"Sa pagitan ng 2:00 hanggang 2:30 ngayong hapon ay muntikan nang makuha ang isang 13 years old na batang babae na nakatira dito sa ating barangay," pahayag ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. 162, Caloocan City.

Ayon naman sa salaysay ng biktima, naglalakad lamang siya pauwi mula sa kanilang paaralan nang may nakita siyang nakaparadang puting van. Dito naman nakutuban ng bata na mga mandurukot ang mga iyon.

Laking gulat na lamang ng biktima na nasa tapat na nito ang sasakyan at lumabas ang tatlong kalalakihan na nagsabi na hawakan daw ito sa paa at ipasok agad sa van.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Dito na nagsimulang sumigaw ang bata at himalang nakatakas sa tulong ng isang tricycle driver.

“Naglalakad po ako pauwi galing school nang may nakita po akong puting van na nakaparada lang sa tapat ng del Rey Village 3 at napapaisip na po ako kung baka kunin ako dahil sa mga nababalitaan ko nang nasa tapat na po ako bigla po nag bukas ang van at lumabas ang mga malalaking katawan na tatlong lalaki na sinasabi hawakan ako sa paa at ipasok agad sa van at sumisigaw po ako ng tulong at buti nalang po may dumaan na isang tricycle at huminto at pinasakay ako sa loob at hinatid hanggang makauwi,” salaysay ng biktima.

Ayon sa SK ng Brgy. 162, ligtas na ang biktima at nakausap na rin ng kapulisan.

"Pag-iingat ang nais natin iparating sa mga magulang at lalo na sa mga kabataan dahil alam natin na madaming pangyayare lalong lalo na sa mga batang babae," paalala ng SK.