BAGUIO CITY – Naapektuhan ng bagyong Florita ang may kabuuang 3,440 indibidwal mula sa rehiyon ng Cordillera nang manalasa ito sa Northern Luzon.
Sa talaan ng DSWD-Cordillera kaninang alas-6:00 ng umaga ng Agosto 24, ang lalawigan ng Abra ang labis na naapektuhan ng bagyo na may 650 pamilya o 2,041 indibidwal mula sa walong barangay ang inilikas sa evacuation center.
Sinundan ito sa lalawigan ng Apayao na siyang dinaanan ng bagyong Florita mula sa coastal town ng Isabela patawid ng coastal town ng Ilocos Region, na may 352 pamilya o 1,217 indibidwal mula sa 12 barangay ang naapektuhan at inilikas sa mga evacuation center.
Sa Mt. Province, 39 pamilya o 147 indibidwal mula sa tatlong barangay ang inilikas sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa banta ng landslides dulot ng malalakas na ulan.
Siyam na pamilya o 32 indibidwal mula sa siyam na barangay sa lalawigan ng Benguet ang naapektuhan din ng bagyo at isang pamilya sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Enrique Gascon, Jr., Assistant Regional Director for Administration ng DSWD-Cordillera, pinili ng mga taong ito na umalis sa kanilang mga tirahan dahil sa napipintong panganib sa kanilang lugar na maaaring dulot ng pag-ulan na dala ng tropical storm.
Sila ay sinilungan ng isang itinalagang evacuation area o ng kanilang mga kamag-anak.
Ayon pa kay Gascon, may kabuuang 49,071 family food packs ang mayroonsa mga warehouse ng bawat probinsya sa rehiyon. Patuloy rin ang pagmo-monitor sa mga apektado ng bagyo at pamamahagi ng mga relief goods sa mga evacuation center.