NUEVA VIZCAYA - Sinibak sa puwesto ang isang hepe ng pulisya at walo pang tauhan kaugnay ng insidente ng pamamaril na ikinamatay ng dalawang pulis sa Bagabag nitong Martes ng gabi.

Mismong si Police Provincial Director Col. Ranser Evasco ang nag-utos na tanggalin sa posisyon si Bagabag Municipal Police chief, Maj. Romeo Barnachea.

Inilipat muna sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office si Barnachea habang isinagawa ang imbestigasyon sa kaso.

Tanggal din sa puwesto ang walo pang pulis, kabilang ang kanilang team leader, kasunod ng insidente ng pamamaril sa Border Control Point sa Purok 2, Brgy. Bakir, Bagabag nitong Agosto 23 dakong 11:55 ng gabi.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bago ang insidente, nagbabantay ang mga nabanggit na pulis sa border control area kung saan nakita ang biktimang si Corporal Jomar Puhay, 36, miyembro ng Bagabag Police, at ang suspek na si M/Sgt. Jefferson Bartolomeo, 43, nakatalaga sa 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC) sa Bayombong, Nueva Vizcaya at taga-Poblacion East, Lamut, Ifugao, na nag-uusap sa isang temporary kitchen.

Ayon naman kay Patrolman Christian Manibug, bigla siyang nakarinig ng putok ng baril at nang puntahan ang pinanggalingan ng putok ay nakita niyang nakahandusay na ang kasamahang si Puhay.

Kaagad namang tumakas si Bartolomeo pagkatapos ng pamamaril.

Dead on arrival na si Puhay sa Regional 2 Trauma Medical Center Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Habag tinutugis ang suspek, ini-report naman ni Dr. Eric Dugong, 42, sa pulisya na nadiskubre nito ang bangkay ng suspek (Bartolomeo) sa kanyang bakuran.

Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang insidente.