Bumuo na ang Rizal Police Provincial Office (PPO) ng isang Special Investigation Task Group (SITG) na siyang tututok sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng apat na katao na natagpuang patay sa loob ng isang kotse sa Rodriguez, Rizal nitong Lunes.
Ayon kay Rizal Provincial Director Police Col. Dominic Labbao Baccay, masusi nilang iimbestigahan ang krimen upang matukoy kung sinu-sino ang may kagagawan nito at mapanagot sila sa batas.
“Kami po ay agad na magbibigay ng update sa kasong ito as soon as magkaroon ng development,” pagtiyak pa ni Baccay.
“Hindi titigil sa puspusang pag-iimbestiga ang kapulisan sa Rizal para sa mabilis na ikalulutas ng kaso, " aniya pa.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Baccay na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawa sa mga biktima habang inaalam pa nila ang identidad ng dalawa pa.
Ani Baccay, ang dalawang biktima ay nakilalang sina Robert Ryan Amarillo, 40, may-asawa at residente ng 164 E. Granja st. Barangay Otso, Lucena City at Carl Pabalan, alyas Nonoy, 51, biyudo, at residente ng Blk. 50 Lot 16 Lumina Homes, Barangay Isabang, Tayabas City, Quezon.
Hindi pa aniya nila nakikilala ang dalawang babaeng kasama ng mga ito.
Matatandaang dakong alas-5:00 ng madaling araw nang matagpuang patay ang mga biktima sa loob ng kulay grey na kotse na ipinarada sa ilang na lugar sa sitio Licao-Licao Barangay Macabud, sa Rodriguez.
Ang mga biktima ay pawang may mga tama umano ng bala sa ulo at katawan.
Teorya ng pulisya, posibleng hindi sa loob ng sasakyan pinatay ang mga biktima at inilagay lamang ito doon dahil sa kakaunti lamang ang dugo sa loob ng sasakyan.
Mayroon ding nakitang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu sa loob ng kotse kaya't inaalam na kung posibleng may kinalaman ang krimen sa ilegal na droga.