Sinagot ng dating kandidato sa pagka-senador na si Atty. Chel Diokno ang karaniwang katanungang 'puwede bang makasuhan ng cyber libel ang isang tao kung totoo naman ang pinost tungkol dito?'

"Batay sa batas, itinuturing pa ring malisyoso ang isang nakakasirang post kahit ito’y may katotohanan," saad ni Diokno sa kaniyang tweet, Martes, Agosto 22.

"Kapag ang isang nilathala o sinabi ay nakakasirang puri, tinuturing ito ng batas na sinasadya o walang magandang hangarin kundi manira kahit na totoo man ito. Kaya maaaring magkaroon pa rin ng libel case kahit na totoo iyong sinabi."

"Pero iyong katotohanan, nagiging depensa doon sa anumang kaso na isasampa. Maaaring sabihin ng akusado na totoo ang kaniyang sinabi at may maganda siyang hangarin at hindi malisyoso ang kaniyang pagkilos."

"Ngunit dapat itong patunayan ng akusado dahil kung hindi, maaari siyang makulong sa kanyang ginawa.

Sa kabilang banda, may exception umano ito, lalo na sa mga prominenteng tao sa lipunan o tinatawag na "public figure". Kabilang na rito ang mga celebrity at opisyal ng pamahalaan.

"Ngunit may mga exception din dito. Hindi ituturing na malisyoso ng batas ang isang post kung ito’y ulat mula isang opisyal na pangyayari."

"Isa pa, sinabi ng Korte Suprema na ang mga public figure o mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat maging balat-sibuyas sa mga kritisismo mula sa mamamayan kaugnay sa pagganap nila ng tungkulin."

https://twitter.com/ChelDiokno/status/1561531503724892160