Dalawang katao ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa naganap na pamamaril nitong Lunes ng gabi, sa isang bakanteng tahanan sa Antipolo City, na sinasabing ginagamit umano ng ilang drug suspects sa kanilang pot session.

Kapwa dead on the spot ang mga biktimang nakilalang sina John Albert Padasay, alyas ‘Bidek,’ at Francis Labuta dahil sa mga tama ng bala sa ulo.

Sugatan naman at may tama rin ng bala sa ulo ang ikatlong biktima na hindi pa nakikilala at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa 'di tinukoy na pagamutan habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang ikaapat na biktima na si Evangeline de Jesus.

Samantala, nakatakas naman ang 'di kilalang salarin sa krimen, bitbit ang armas na ginamit sa pamamaril.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-11:30 ng gabi ng Lunes nang maganap ang krimen sa isang bakanteng paupahang bahay sa Lantion Compound, Road 28, Bagong Nayon, Antipolo City ngunit dakong ala-1:20 ng madaling araw lamang nitong Martes nang maireport ito sa pulisya.

Nabatid na sina Padasay at Labuta ay pinagbabaril sa ulo ng salarin sa loob mismo ng bahay habang nakatakbo pa sa labas ang di kilalang biktima ngunit hinabol siya ng salarin at binaril din sa ulo.

Tinamaan naman ng ligaw na bala sa likod si de Jesus na nilalapatan ng lunas sa Antipolo District Hospital.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman ang krimen sa ilegal na droga matapos na matukoy na si Padasay ay dati nang naaresto ng mga otoridad sa isang buy-bust operation.

Mismong ang mga residente rin anila sa lugar ang nagsabi na ang naturang lugar na pinangyarihan ng krimen ay ginagamit ng mga biktima sa kanilang pagpa-pot session.

Nakarekober Din umano ang mga otoridad sa crime scene ng ilang drug paraphernalia.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa krimen.