Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) na naging maayos at mapayapa ang pagbabalik-eskwela ng mahigit sa 28 milyong estudyante sa bansa nitong Lunes.

Ayon kay DepEd spokesman Atty. Michael Poa, hanggang alas-9:20 ng umaga ay wala pa silang natatanggap na anumang untoward incidents o mga hindi kanais-nais na kaganapan, na may kinalaman sa pagbubukas ng klase.

Tiniyak rin niya na patuloy silang naka-monitor sa class opening sa mga paaralan.

“As 9:20 a.m. po, base po sa mga updates ng ating mga Regional Directors, maayos at mapayapa po ang pagbabalik-eskwela ng ating mga learners,” ani Poa, sa isang Viber message sa mga mamamahayag.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Wala pa pong nakakarating sa amin na untoward incidents. Patuloy po kaming naka-monitor sa ating mga paaralan,” aniya pa.

Mismong si Vice President at Education Secretary Sara Duterte naman ang nanguna sa National School Opening Day Program (NSODP) na isinagawa dakong ala-1:00 ng hapon nitong Lunes sa Dinalupihan Elementary School, sa pangunguna ng SDO Bataan.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2022-2023, hanggang alas-7:00 ng umaga ng Agosto 22, 2022, ay nasa 28,035,042 na ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng nagpatala para kasalukuyang taong panuruan.

Anang DepEd, ito ay katumbas ng 101.72% o higit sa bilang ng naitalang datos mula sa enrollment ng SY 2021-2022, na nasa 27,560,661 lamang.

Mula sa nabanggit na kabuuang bilang, 23,905,615 ang mula sa enrollment quick counts habang 4,129,427 ang bilang ng mga mag-aaral na mula sa early registration.

Pinakamarami anila ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,826,697 na sinusundan ng Region III (Central Luzon) na nasa 2,903,610, at National Capital Region (NCR) na nasa 2,717,755.

“Bagamat maaaring nagkaroon ng duplikasyon mula sa datos ng Early Registration at Quick Counts ito ay matutukoy ng sistema sa umpisa ng School Year,” anang DepEd.

Ang enrollment period para sa SY 2022-2023 ay sinimulan ng DepEd noong Hulyo 25 at nakatakdang magtapos ngayong Agosto 22.