Personal na nag-ikot si Manila Mayor Honey Lacuna sa ilang paaralan sa lungsod na may malalaking populasyon upang matiyak na magiging maayos ang pagsisimula ng face-to-face classes sa lungsod nitong Lunes.
Nabatid na kabilang sa mga paaralang binisita ni Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo at Division of City Schools Supt. Maria Magdalena Lim, ay ang Bacood Elementary School, na tinungo nila dakong alas-6:00 ng umaga, at ang Araullo High School, na pinuntahan nila dakong alas-7:00 ng umaga.
Pagsapit naman ng hapon ay tinungo rin nila ang Isabelo Elementary School at Jose Abad Santos High School.
Sa kanyang mensahe sa harapan ng mga estudyante ng Bacood Elementary School, hinikayat pa ng alkalde ang mga estudyante na magpabakuna na laban sa COVID-19 vaccine.
“Magpabakuna na kayo ha, karagdagang proteksyon yan lalo na at pumapasok na po kayo ng face-to-face,” aniya pa.
Pinasalamatan rin naman ng alkalde ang mga magulang, mga guro at mga staff para sa paghahandang ginawa ng mga ito para maprotektahan ang mga mag-aaral.
“Welcome sa panibagong school year sa ating mga mag-aaral, mga magulang at mga teachers na ilang linggo na rin po nagpe-prepare na maging safe ang ating mga paaralan,” aniya pa.
“Ang panawagan ko lang po ay karagddagang proteksyon sa inyong mga anak,” dagdag pa niya.
Inanunsyo rin naman ni Lacuna na ang pamahalaang lungsod ay nagsagawa pa ng karagdagang preparasyon para sa class opening, sa pamamagitan ng paglalagay ng isolation rooms, na babantayan ng mga health frontliners, para sa mga guro at estudyante na makikitaan ng COVID-19 symptoms.
Mayroon na rin umano silang inilagay na mga wash areas para sa madalas na paghuhugas ng mga kamay.
Nagtalaga rin sila ng mga safety officers na siyang mag-iikot bago, habang nagkaklase at pagkatapos ng klase upang matiyak na ang mga basic health protocols ay nasusunod tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing.
Namahagi rin umano ang lokal na pamahalaan sa mga estudyante ng bagong notebooks, uniforms, bags, pens, pencils, papers at mga hygiene kits.