Bumaba ng 15% ang average na arawang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala sa bansa.

Batay sa inilabas na National COVID-19 Case Bulletin ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, nabatid na mula Agosto 15 hanggang 21, umaabot sa 23,883 na bagong kaso ng sakit ang naitala sa bansa.

Ayon sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 3,412 o mas mababa ng 15% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Agosto 8 hanggang 14.

Nabatid na sa mga bagong kaso, 101 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Samantala, mayroon rin namang naitalang 321 na pumanaw kung saan 90 ang binawian ng buhay noong Agosto 8 hanggang Agosto 21 lamang.

“Noong ika-21 ng Agosto 2022, mayroong 811 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,586 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 699(27.0%) ang okupado. Samantala, 30.2% ng 22,076 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ayon pa sa DOH.

Iniulat rin naman ng DOH na umabot na sa mahigit 72 milyon ang mga indibidwal o 92.59% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 17 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, nasa 6.8 milyon na ang senior citizens o 78.01% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series o first at second dose ng bakuna.

“Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.  Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH.

Hinikayat din ng ahensya na bisitahin ang kanilang website para sa ilang karagdagang impormasyon.