Inireklamo ng isang babae ang kaniyang pinagkakautangan matapos siya nitong ipahiya sa pamamagitan ng pagpapa-tarpaulin nito sa kaniyang mukha at ipaskil sa pampublikong lugar, dahil hindi siya kaagad nakapagbayad ng utang.

"Kilala n’yo bala ini? Siya si Gengerie Comprendio taga Brgy. Yawyawan Lemery, Iloilo kay may utang sa Natasha Lemery, Kag indi na macontact," nakalagay sa tarpaulin.

Screengrab mula sa YT/Raffy Tulfo in Action

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi naman ito pinalampas ni Gengerie Comprendio at nagsumbong sa programa ni Senador Raffy Tulfo upang ireklamo ang babaeng pinagkakautangan at nagpa-tarpaulin sa kaniyang mukha, na si Nelia Muico ng Natasha Lemery.

Ayon sa salaysay ni Gengerie, nagharap na raw sila sa barangay at nakiusap siya kay Nelia na bigyan pa siya ng kaunting panahon upang makapagbayad. Kinapos daw kasi siya.

Kaya hindi raw siya mahanap ay dahil lumuwas siya pa-Maynila upang humanap ng trabaho, at nang makapagbayad na siya sa utang.

Kahit na nabayaran pa raw ni Gengerie ang principal amount ng kaniyang utang na 800 piso, nanatili pa rin sa pagkakapaskil ang tarp. Hindi lamang pala siya ang pinagawaan ng tarpaulin kundi ang kapatid din nito at tinatakot pa raw umano ito ni Nelia.

Napag-alaman din na may patong na 5% interest ang utang ni Gengerie bawat araw kung hindi ito makapagbabayad.

Pinayuhan ng programa si Nelia na kung hindi pa ipababaklas ang tarpaulin, maaari itong makasuhan ng libelo at paninirang-puri.