Ibinahagi ng isang lalaking mag-aaral mula sa San Jose Del Monte, Bulacan sa social media kung paano nakatakas ang kaniyang kasintahan gayundin ang iba pang mga babaeng nabiktima ng isang grupo ng mga holdaper, na nambibiktima ng mga babaeng pasahero, na naganap noong Agosto 9, 2022.

Kuwento ni "Alyas MC", ginawa niya ito upang magsilbing babala sa mga babaeng sumasakay nang mag-isa sa mga pampasaherong sasakyan, kagaya ng jeep, lalo na sa panahon ngayong maraming nababalitaang nawawala at natatagpuan na lamang ang bangkay sa kung saan-saan, lalo na't mga babae.

"Sa mga dalagang mahilig sumakay sa jeep nang mag-isa MAG-INGAT PO KAYO! May limang holdaper kasi sa may Barangay Gumaoc at isasakay ka nila sa sidecar at dadalhin sa kanto malapit sa Skyline (ospital sa San Jose Del Monte) papuntang bundok," panimula ng netizen.

Pagkatapos nito ay isinalaysay na niya ang hindi malilimutang karanasan ng kaniyang girlfriend. Magkasama sila ng kaniyang nobya ngunit naghiwalay na sila sa isang mall dahil kailangan nang pumasok sa trabaho ni Alyas MC.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

"Ang kuwento niya sa akin noong nasa Gumaoc siya mayroon dalawang lalaking tumatabi sa kaniya eh nakapuwesto siya sa bungad ng jeep. Noong huminto na ang jeep ay pinababa siya ng dalawang lalaki at may kasabwat pa silang tatlo na may sasakyan sa kanto malapit sa Skyline."

"Tatlo ang nakuha, dalawang 12 anyos na babae at ang gf kong 20 anyos. Takot na takot sila kasi may hawak na panaksak ang mga holdaper. Dinala sila pababa ng kanto ng Skyline."

Natunugan umano ng kaniyang nobya na hindi lamang basta panghoholdap ang gagawin sa kanila. Kaya nang huminto saglit ang mga holdaper upang umihi, sinamantala naman ito ng tatlong biktima at nagtatatakbo. Hinabol pa umano ang mga biktima subalit mabilis na nakapagtago ang tatlo.

"Nalaman ko na nasa panganib na ang gf ko noong nag-message siya na tulungan ko siya kaso nasa trabaho ako nun at wala nang sakayan. 6:30PM po kami nagkahiwalay sa starmall at 11PM na siya nag-mesage, 4AM na nakauwe."

Larawan mula sa FB ni Alyas MC

"Itong limang holdaper ay mga binata raw, yung isa na mukha raw 30+ ay maraming tattoo at nakasumbrero."

"Kaya kapag alam n'yo na po na may mga lalaking tumatabi sa inyo at ginigitgit kayo at pinababa, huwag po kayong susunod, humingi na po agad kayo ng tulong."

"Naireport ko na 'to sa pulis. Sana magkaroon ng action plan ang Barangay Gumaoc o ang lugar sa Skyline Road at pulis tungkol dito dahil kung hindi, maraming batang babae ang mabibiktima."

May be an image of one or more people, tattoo and text
Larawan mula sa FB ni Alyas MC

Kung halimbawang maranasan ng kahit na sinuman ang mga ganitong modus operandi, huwag na huwag mahihiyang humingi ng tulong. Kung kayang magbitbit ng mga pananggalang gaya ng peppermint spray at iba pang pang-self-defense, makabubuting gawin ito.

Sa panayam ng Balita Online kay Alyas MC ay nasa maayos na kalagayan naman ang kaniyang nobya, na mga galos lamang ang natamo, bagama't medyo na-trauma sa kaniyang naranasan.