Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa tuwing nalalapit ang muling pagbubukas ng mga paaralan para sa taong pampanuruan, na mas kilala sa tawag na "Brigada Eskwela". Bukod sa mga guro, mag-aaral, at mga magulang, marami sa mga volunteers ang hindi nangingiming magpaabot ng tulong sa abot ng kanilang makakaya, para sa kabataang pag-asa ng bayan.

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ng gurong si Cyrell Sidlao o "Teacher CJ" mula sa Buyos Elementary School sa Sindangan, Zamboanga Del Norte, dahil sa mga boluntaryong nagbibigay ng tulong para sa kanilang learners, lalo't karamihan sa kanilang mga mag-aaral ay may special needs.

Isa sa mga pinasalamatan niya ang isang bombero o firefighter na boluntaryong bumuo ng mga mesa o desks para sa kaniyang learners with special needs, na magagamit na nila sa pasukan sa Lunes.

"This Firefighter deserves to be shared! ❤️🚒" saad ni Teacher CJ sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Agosto 21.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

"Nakakataba ng puso na ang simpleng hiling kong magkaroon ng table for learners with special needs ay tinupad ng isang bombero & netizens. Tinanong ko kung bakit siya ang nag-volunteer na gumawa ng table. Pagmamahal sa mga bata, tulong sa kapwa at libangan ang nagtulak sa kaniya para gumawa ng table na walang bayad."

"Mabuhay kayo BFP Sindangan at sa mga nag-donate ng materials. Maraming salamat sa inyo! Truly, a Bayanihan Spirit ❤️. #BomberoNaMayPuso #BrigadaEskwela2022."

Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online ang naturang bombero, na nakilalang si SFO1 Paul Nelson A. Galit, Chief Officer ng Intelligence and Investigation Section sa Sindangan Municipal Fire Station, Barangay La Roche, Sindangan, Zamboanga del Norte.

"Ang Sindangan Municipal Fire Station personnel na pinangungunahan ni Inspector Alejandro Abonita II ay aktibong lumalahok sa programa ng DepEd na Brigada Eskwela. Tuwing matatapos ang mga gawain ay lagi naming tinatanong ang mga guro kung ano pa ang puwede naming mai-ambag na tulong at kontakin lang kami anytime," kuwento ni Galit.

"It was during at that time that Mr. Cyrell Jones Sidlao, a compassionate teacher from Buyos Elementary School told us that he was planning to make a table for the children with special needs but don't have a budget for the labor."

Dahil walang budget, minabuti na lamang ni Galit na ibigay ito nang libre para sa paaralan. Nakapagtapos pala ang bombero ng kursong Edukasyon at nakapasa sa board exam, kaya kung tutuusin, isa rin siyang lisensyadong guro.

"l offer my help kasi maliban sa hobby ko ang pagpanday, what compels me to do it, is the idea and its' purpose. Isa din kasi akong guro, | am a graduate of Bachelor of Elementary Education and a Registered Teacher. Lagi rin akong isinasama noon ng aking tita na isang guro din sa kaniyang paaralan para tulungan siya sa kaniyang mga visual aids, magpintura o magkumpuni sa kaniyang silid-aralan."

Nagpasalamat naman ang bombero sa suporta ng kanilang municipal fire station kung saan siya naglilingkod. Kaya ang proyektong ito ay pinangunahan lamang niya, subalit ang totoo niyan, marami ring mga kagaya niyang may ginintuang-puso ang nagbayanihan upang maisakatuparan ito. Nakatulong din niya sa pagbuo ng mga mesa ang kaniyang kapatid na lalaki.

"Sindangan Municipal Fire Station who gives materials like paints, paint brush/roller and sanding disc, with the initiative of our Acting Municipal Fire Marshal and contribution of the sanding personnels of made the project possible."

"Ginawa ko ang mesa sa tulong ng aking kapatid na si lvan Wright A. Galit specially in welding the metal frame of the table to make sure that it was sturdy."

Kudos sa iyo, SFO1 Paul Nelson A. Galit, sa lahat ng bumubuo ng Sindangan Municipal Fire Station, at iba pang boluntaryo sa inisyatibang ito!

Si Teacher CJ din ang gurong nagbahagi tungkol sa mga pulis ng Sindangan na nagpaaral ng isang batang lalaking wala nang kasama sa buhay.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/06/batang-namumuhay-mag-isa-pinag-aral-ng-hepe-ini-enrol-ng-mga-pulis-sa-paaralan/">https://balita.net.ph/2022/08/06/batang-namumuhay-mag-isa-pinag-aral-ng-hepe-ini-enrol-ng-mga-pulis-sa-paaralan/

Dahil dito, inulan ng tulong ang naturang batang lalaki mula sa mga concerned netizen, indibidwal, at grupo.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/13/batang-kinupkop-pinag-aral-ng-hepe-ng-pulisya-sa-zamboanga-del-norte-inulan-ng-tulong/">https://balita.net.ph/2022/08/13/batang-kinupkop-pinag-aral-ng-hepe-ng-pulisya-sa-zamboanga-del-norte-inulan-ng-tulong/