Muling ipatutupad ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang Segregation Scheme sa kanilang mga pasahero simula ngayong Linggo, Agosto 21, 2022, isang araw bago ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa Lunes, Agosto 22, 2022.
“Simula Linggo, ika-21 ng Agosto, 2022, muling ipatutupad ng MRT-3 ang Segregation Scheme ng mga pasahero, upang mas makapagbigay-gaan sa mga priority passengers ng linya kasama ang mga kababaihang estudyanteng magbabalik-eskwela,” paabiso pa ng DOTr-MRT3.
Nabatid na sa ilalim ng Segregation Scheme, nakalaan ang unang dalawang pintuan ng unang bagon ng tren para sa mga pasaherong senior citizens, persons with disabilities (PWDs), buntis, at mga indibidwal na may kasamang bata.
Samantala, nakalaan naman ang huling tatlong pintuan ng unang bagon para sa mga babaeng pasahero, kasama ang mga babaeng estudyante.
Ang ikalawa at ikatlong bagon ng tren ay bukas naman para sa lahat na uring pasahero.
Tiniyak naman ng MRT-3 na maaaring makakuha ng 20% fare discount ang mga estudyanteng pasahero sa buong oras ng operasyon ng MRT-3.
Kinakailangan lamang anila ng mga ito na magprisinta ng valid student ID o orihinal na enrolment/registration form sa pagbili ng Single Journey Ticket sa mga ticketing booth ng istasyon upang mai-avail ang discount sa pasahe.
Anang MRT-3, ang unang biyahe ng tren mula North Avenue station sa Quezon City, ay sa ganap na ika-4:38 ng umaga at sa ika-5:19 ng umaga naman mula sa Taft Avenue station sa Pasay City.
Ang huling biyahe naman ng tren ay aalis ng North Avenue station ng ika-9:30 ng gabi at mula sa Taft Avenue station ng ika-10:09 ng gabi.
Samantala, pinapayuhan rin ng MRT-3 ang lahat ng mga pasahero na palaging sundin ang "7 Commandments" sa loob ng mga tren upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kabilang dito ang palagiang pagsusuot ng face mask at boluntaryo ang pagsusuot ng face shield; bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; bawal kumain; panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV; laging magsagawa ng disinfection; bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.