ANGELES CITY , Pampanga -- Pinuksa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region III (PDEA-3) ang tatlong makeshift drug den na nagresulta sa pagkakaaresto sa 13 drug personalities at pagkakakumpiska ng nasa Php 269,100.00 halaga ng shabu.
Sa sunod-sunod na drug operations sa Barangay Pampang noong Biyernes ng hapon Agosto 19, tinarget ng PDEA-3 ang tatlong makeshift drug den at inaresto sina Raymond Ombal, 28; Jake Abe, 26; Robert Cabrera, 20; Germe Billotes, 32; at Kim Santos, 21.
Ang inisyal na operasyon ay nagresulta sa pagkakasamsam ng pitong transparent sachet na naglalaman ng mahigit kumulang 12 gramo ng shabu.
Sa isa pang drug den, nakuha ang 15 gramo ng shabu, samu't saring drug paraphernalia at pag-aresto sa apat na indibidwal na kinilalang sina Myla L. Parangat, Jomar L. Parangat, Dominick M. Bulda, at Ferdinand R. Evaristo.
Nakuha din sa isa pang hiwalay na drug den ang isa pang 12 gramo ng shabu, samu't saring drug paraphernalia at pagkakaaresto sa apat pang personalidad na kinilalang sina: Aurilio M. Pangilinan, 48; Roberto T. Garcia, 32; Marvin P. Crispolo, 36; at Orlando O. Poquiz, 34.
Ang mga suspek at drug den ay nasa ilalim ng surveillance ng halos isang buwan bago sila arestuhin.
Nakakulong na ngayon ang mga naarestong suspek sa PDEA-3 Jail Facility at inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa korte.