Suportado ni Manila Mayor Honey Lacuna ang panukalang naglalayong maideklara ang Quiapo bilang isang ‘National Heritage Zone.’

Nabatid na sa ilalim ng House Bill 3750, na inihain sa Kongreso ni Third District Rep. Joel Chua, sasakupin ng naturang zone ang Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church at Plaza del Carmen.

Layunin din nitong maibalik ang dating ganda ng mga imprastraktura sa mga naturang lugar, maipreseba ang kultura doon at maisailalim sa rehabilitasyon ang buong komunidad.

Kumpiyansa si Chua, na isang Batang Quiapo, na ang panukala ay makatutulong, hindi lamang sa paglikha ng trabaho, kundi upang mapataas pa ang reputasyon ng lungsod sa Pilipinas at sa buong mundo.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Suportado naman ni Mayor Honey ang panukala, lalo na at wala namang gagastusin dito ang lungsod.

Ayon sa alkalde, nais niyang muling sumigla ang Quiapo, na kilala sa mga pamosong native goods doon, upang dayuhing muli ng mga foreign at local tourists, na magiging malaking tulong sa pag-unlad ng lungsod.

Sinabi pa ni Mayor Honey na tumutulong na rin ang Department of Tourism, sa pamumuno ni Charlie Dungo, sa pagdidisenyo ng bagong zone.