Mismong si Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang inaasahang mangunguna sa pormal na pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa bansa sa Lunes, Agosto 22.
Sa paabiso ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo, nabatid na gaganapin ang National School Opening Day Program (NSODP) sa Dinalupihan Elementary School, sa pangangasiwa ng SDO Bataan.
“DALAWANG ARAW NA LANG, BALIK-ESKWELA NA! Ngayong darating na Lunes, Agosto 22, samahan ang Kagawaran ng Edukasyon sa National School Opening Day Program (NSODP) na gaganapin sa Dinalupihan Elementary School, sa pangunguna ng SDO Bataan,” anang DepEd.
“Kasama si VP-Secretary Sara Z. Duterte, ating tunghayan ang mensahe ng kahandaan at pagbabayanihan sa pagbubukas ng School Year 2022-2023,” dagdag pa nito.
Sinabi ng DepEd na maaaring panoorin ang livestream ng programa sa kanilang opisyal na Facebook page, YouTube channel, at website ng DepEd Philippines, ganap na ala-1:00 ng hapon.
Kaugnay nito, muli rin namang pinaalalahanan ng DepEd ang publiko na iparehistro na ang kanilang mga anak sa paaralan.
Anang DepEd, ang enrollment period para sa SY 2022-2023 ay sinimulan noong Hulyo 25 at magtatapos sa Lunes, na unang araw ng klase.
Batay naman sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS) na inilabas ng DepEd para sa SY 2022-2023, hanggang alas-7:00 ng umaga ng Agosto 19, 2022, ay umabot na sa kabuuang 27,158,578 ang enrollees sa buong bansa.
Pinakamarami na ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,709,599 na sinusundan ng Region III (2,810,330), at NCR (2,406,014).
Mula sa nabanggit na kabuuang bilang, 23,029,151 ang mga mag-aaral na nagpatala para sa formal education habang 4,129,427 ang bilang ng mga mag-aaral na mula sa early registration.
Target ng DepEd na makapagtala ng mahigit 28 milyong mag-aaral ngayong taon.