Dalawang drug suspect, na kinabibilangan ng isang dating barangay kagawad, ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Sta. Mesa, Manila nitong Sabado ng madaling araw.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Ryan Gonzales, 40, binata, dating barangay kagawad ng Brgy. 699, Zone 76, at ang kanyang kasabwat na si Rodolfo Paras, alyas ‘Atoy,’ 61, kapwa residente ng Sta. Mesa, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Sta. Mesa Police Station 8 (PS-8), nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling araw nang madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa 4886 San Lorenzo St., Brgy. 598, sa Sta. Mesa.

Nauna rito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-PS8 laban sa mga suspek matapos na makatanggap ng tip hinggil sa kanilang ilegal na aktibidad.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kaagad namang dinakip ang mga suspek nang magpositibo ang transaksiyon.

Narekober mula sa mga suspek ang anim na pirasong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tinatayang tumitimbang ng humigit-kumulang sa 17.0 gramo at may street value na P115,600 at buy-bust money.

Nakumpiska rin mula sa pag-iingat ni Gonzales ang isang unit ng caliber .9mm Taurus na may serial number ACE913210, tatlong magazine at 25 live ammunition ng naturang baril.

Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunitions sa piskalya.