Kinumpirma ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Huwebes na ang Covid-19 cases sa National Capital Region (NCR) ay nasa downward trend na matapos na makapagtala ng one-week growth rate na -9%.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na hanggang noong Agosto 17, 2022, nakapagtala na lamang ang NCR ng 845 bagong kaso, base sa ulat ng Department of Health (DOH).

Sanhi nito, ang 7-day average sa rehiyon ay bumaba sa 1,173, para sa average daily attack rate (ADAR) na nasa 8.14 per 100,000 population mula sa dating 8.70 noong Agosto 14.

Ito ay 0% na mas mababa sa 7-day average noong Agosto 10, para sa one-week growth rate na-9%.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na ang reproduction number naman sa NCR ay bumaba pa sa 1.03 hanggang noong Agosto 14, mula sa dating 1.18 noong Agosto 7.

Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng mabagal na hawahan ng virus.

Samantala, ang one-week positivity rate naman sa NCR ay nasa 15.7% hanggang noong Agosto 16, kumpara sa dating 17.1% noong Agosto 9.

Ang positivity rate ay yaong porsyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit, mula sa kabuuang bilang ng mga taong sinuri.

Ang healthcare utilization rate (HCUR) naman sa NCR para sa Covid-19 ay nasa 37% habang ang ICU occupancy rate ay nasa 31% hanggang noong Agosto 16.

“NCR Covid Cases on Downward Trend with growth rate of -9%, Reproduction number of 1.03, 7-day positivity rate of 15.7%, ADAR of 8.14 and HCUR of 37%,” tweet pa ni David.

Sa pagtaya pa ng OCTA Fellow, ngayong Agosto 18 ay maaaring makapagtala lamang ang NCR ng mga bagong kaso na mas mababa sa 1,000.

Kung mapapanatili aniya ang trends sa ngayon, inaasahan nila sa OCTA na aabot na lamang sa wala pang 500 ang mga bagong kaso ng sakit na maitatala sa NCR sa pagtatapos ng Agosto o unang linggo ng Setyembre.

“Projections show less than 1,000 new cases in the NCR on August 18 and if the trends hold, we expect less than 500 new cases per day in the NCR by end of August or first week of September,” ani David.

“The NCR remains at MODERATE RISK at this time as level of infections remain significant,” anito pa.