'100K para sa 100th birthday'
Binigyan ng P100,000 ang unang babaeng nagtapos ng arkitektura ng Unibersidad ng Santo Tomas matapos ito tumuntong sa edad na 100.
Sa isang Facebook post, sinabi ng alkalde ng Muntinlupa na si Ruffy Biazon na personal niyang pinuntahan si Aida Cruz Del Rosario upang gawaran ng P100K cash gift mula sa kanilang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng munisipyo.
"Si Lola Aida ang kauna-unahang centenarian sa aking panunungkulan bilang mayor ng Muntinlupa kaya naman talagang espesyal ang okasyong ito," ani Biazon.
Ang cash award ay alinsunod sa Centenarians Act of 2016, o kilala bilang Republic Act 10868.
Ang batas ay nag-uutos sa pamahalaan na parangalan ang mga mamamayang 100 taong gulang pataas ng P100,000 halaga ng cash at isang liham ng pagbati mula sa pangulo upang kilalanin ang kanilang kontribusyon sa bansa.
Tumuntong ng 100 taong gulang si Lola Aida noong Agosto 11, 2022.
Siya ay gumawa ng makasaysayang hakbang nang maglakas-loob niyang pasukin ang UST College of Architecture sa panahong ang larangan ay dominado ng lalaki.
Si Del Rosario ay pumuwesto sa ika-7 sa architecture licensure exam noon.