Hinarang ng pulisya ang grupo ng mga senador ng United States matapos tangkaing bisitahin sa kulungan sa Camp Crame ang dating senador na si Leila de Lima nitong Huwebes.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) information officer Brig. Gen. Augustus Alba na nagsabing dumating sa Custodial Center ang grupo ni US Senator Edward Markey dakong 10:00 ng umaga.

“Dumating sila. Past 10 o'clock. Umalis sila because they were denied entry nung custodial facility on the basis na walang court order," pahayag ni Alba nang kapanayamin sa telebisyon.

Nauna nang inihayag ng PNP na mahigpit na ipinagbabawal sa sinuman ang makipagkita o makipag-usap sa mga nasa kustodiya ng pulisya sa detention facility.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Paglilinaw ng PNP, dapat ay humingi muna ng permiso sa hukuman ang grupo ni Markey bago isagawa ang pagbisita sa dating senador.

Idinagdag pa ng PNP na bahagi lamang ito ng kanilang paghihigpit at pagsunod sa patakaran sa pagbisita sa tinatawag na Person Under Police Custody (PUPC) sa custodial facility, lalo pa't mayroong 15 aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Camp Crame.

Noong Mayo, kasama ni Markey sina Senator Marco Rubio, Dick Durbin, Marsha Blackburn, Chris Coons, atPatrick Leahy, sa nanawagang palayain na sa pagkakakulong si De Lima kasunod na rin ng pagbawi ng mga testigo sa kanilang testimonya laban sa dating senador.

Si De Lima ay ikinulong sa Camp Crame simula Pebrero 2017 matapos kasuhan ng Department of Justice hinggil sa umano'y pagkakadawit sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison noong 2010 hanggang 2015.